Seksyon 10, Song of Myself

Mag-isang sa malayong kagubatan at kabundukan ako ay nangangaso,
Lagalag na nagilalas sa sariling gaan at saya,
Bago magtakipsilim namimili ng ligtas na lugar para palipasin ang gabi,
Nagpapaningas ng apoy at nag-iihaw ng kakakatay pa lamang na mailap na hayop,
Nakakatulog sa nilikom na mga dahon kasama ng aking aso at baril sa aking tabi.

Ang barkong Yankee ay nasa ilalim ng kanyang layag-langit, hinihiwa niya ang kislap at ulop,
Ang aking mga mata ay namalagi sa lupa,ako ay yumuko sa kanyang duong o sumigaw nang masayang-masaya mula sa kubyerta.

Ang mga mamamangka at mangangapa ng halaan ay bumangon nang maaga at tumigil para sa akin,
Aking isinuksok ang laylayan ng aking pantalon sa aking mga bota at lumabas at nagsaya;
Naroon ka sana kasama namin sa araw na iyong nakapalibot kami sa kaldero ng chowder.

Aking nakita ang kasal ng maninilo sa labas sa malayong kanluran,ang babaeng ikakasal ay mapula ang buhok,
Ang kanyang ama at ang kanyang mga kaibigan ay naupo malapit sa naka-de-kwatro at walang imik na nagsisigarilyo,may suot silang moccasins sa kanilang mga paa at may malaki at makapal na balabal na nakasampay sa kani-kanilang mga balikat,
Sa isang sabal nakaupo ang maninilo,karamihan sa kanyang suot ay katad,ang kanyang malagong balbas at kulot na buhok ang nagkakanlong sa kanyang leeg,hinawakan niya ang kanyang magiging asawa sa kamay,
Ang babaeng ikakasal ay may mahahabang pilikmata,ang kanyang ulo ay walang suklob,ang kanyang maligasgas na unat na mga tirintas ay pumanaog sa kanyang kaakit-akit na mga biyas at umabot sa kanyang mga paa.

Ang pumugang alipin ay pumunta sa aking bahay at tumigil sa labas,
Narinig ko ang kanyang mga galaw na kumakaluskos sa maliliit na sanga sa talaksan ng mga panggatong,
Sa umugoy na kalahating-pinto ng kusina nakita ko siyang pipilay-pilay at mahina,
At tinungo kung saan siya nakaupo sa troso at pinatuloy siya at pinangakuan siya,
At dinalhan ng tubig at pinuno ang tub para sa kanyang pawisang katawan at bugbog na mga paa,
At binigyan siya ng isang kuwarto na ang pasukan ay mula sa akin,at binigyan siya ng maligasgas na malinis na mga damit,
At naaalala nang lubusan ang kanyang lumiligid na mga mata at ang kanyang kaasiwaan,
At naaalalang naglagay ng mga pamatse sa mga bato ng kanyang leeg at mga bukungbukong;
Tumigil siya kasama ko isang linggo bago siya nakabawi ng lakas at dumaan sa hilaga,
Napapayag ko siyang umupo katabi ko sa harap ng lamesa, ang aking eskopeta ay nakasandal sa may sulok.